Binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian na walang saysay ang pag-angat ng ekonomiya kung mataas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho at dami ng mga Pilipinong mahihirap.
Kasunod ito ng naitalang 4.1% na unemployment rate noong Abril at 50% ng mga Pinoy na nagsabing sila ay mahirap.
Sinabi ni Gatchalian na ang mataas na unemployment rate ay sumasalamin sa patuloy na paghihirap ng mga Pinoy na makahanap ng disente at stable na trabaho sa kabila ng economic growth.
Kaya naman, nanawagan ang senador sa economic managers na paigtingin pa ang mga aksyon upang mapalakas ang job creation, partikular na sa mga high-growth sectors.
Bilang long-term solutions, iginiit ni Gatchalian ang paglalagak ng puhunan sa skills training at re-skilling programs upang matiyak na handa ang workforce sa mga demand sa job market.
Kasabay nito, iginiit din ng mambabatas na kailangang gumawa rin ng hakbangin ang gobyerno upang matiyak ang access sa murang pagkain, enerhiya, de kalidad na edukasyon at mga pangangailangan sa kalusugan.
Malinaw at konkretong aksyon aniya ang kailangan para matulungan ang mamamayan na makaahon sa matinding kahirapan.