NAGBABALA si Senador Risa Hontiveros na posibleng mauwi sa constitutional crisis kung hindi aaksyunan ng Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Hontiveros na malinaw na nakasaad sa konstitusyon na obligasyon ng Senado bilang impeachment court na magsagawa ng trial hanggang madesisyunan ang reklamo.
Sa gitna ito ng usapan kaugnay sa resolusyong ipinapaikot ni Senador Ronald Bato dela Rosa naglalayong ibasura ang impeachment complaint.
Ibinabala ni Hontiveros na betrayal o pagtatraydor sa publiko kung hindi aaksyunan ng Senado ang inihaing reklamo.
Kung hindi man anya naka-aksyon forthwith o agad-agad ang Senado noong Pebrero, makabubuting gawin nila ito sa June 11 o bago matapos ang sesyon ng 19th Congress.
Ipinaalala pa ni Hontiveros na wala pa sila sa usaping ng conviction o acquittal para isiping mapapahiya lamang ang administrasyon kung mapapawalang sala lamang si VP Sara.
Iginiit ng senadora na nasa step one pa lamang ang proceedings at ang mahalaga ay masimulan na ito dahil naghihintay ang taumbayan.
Nangako naman si Hontiveros na gagawin nila ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang lahat ng kanilang makakaya upang pigilan ang anumang pagtatangka na hindi ituloy ang proceedings.