Naniniwala si Sen. Joel Villanueva na daraan sa matinding debate at posibleng magkaroon pa ng botohan sakaling ihain na sa plenaryo ng Senado ang resolusyon na humihiling na ibasura ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Villanueva na malaking debate ito dahil magiging taliwas ito sa utos ng konstitusyon na dapat mag-convene ang Senado bilang impeachment court at magsagawa ng trial.
Posible rin aniyang mapagtalunan kung ilang boto ang kailangan upang manalo ang ganitong uri ng resolusyon.
Ang lahat aniyang ito ay dapat desisyunan ng mayorya ng mga senador matapos ang makabuluhang pagtalakay.
Tumanggi naman ang senador na sagutin kung pabor siya sa resolusyon sa pagsasabing kahit anong sabihin niya ay maaari siyang maakusahan na mayroon nang desisyon pabor o laban sa Bise Presidente.
Nagpaalala rin si Villanueva sa iba pang mga senador na tatayo sila bilang impeachment judges kaya’t hindi maganda kung maglalabas na agad sila ng pahayag na may kinalaman sa magiging posisyon nila sa impeachment.