Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbuo ng special task force na magre-rebyu sa mga polisiya at hakbang sa road safety para sa mga posibleng ipatupad na reporma.
Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na dapat seryosohin ang road safety.
Idinagdag ng Kalihim na sa dami ng mga insidenteng nangyayari ngayon sa mga kalsada, malinaw aniya na hindi na epektibo ang mga umiiral na polisiya.
Ang special task force ay binubuo ng personnel mula sa DOTr, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO).
Inihayag ni Dizon na saklaw ng review ang posibleng pag-alis ng unworthy vehicles sa mga lansangan at kwalipikasyon ng bus at truck drivers, at iba pa.