dzme1530.ph

Mga paglabag ng mga motorpool ng bus companies, sinita

Loading

Samu’t saring mga paglabag ang bumulaga kay Sen. Raffy Tulfo sa isinagawang inspeksyon sa mga motorpool ng ilang bus company.

Ayon sa chairman ng Senate Committee on Public Services at Vice Chairman ng Senate Committee on Labor, kaawa-awa ang kalagayan ng mga mekaniko sa halos lahat ng motorpool na kanyang napuntahan dahil pawang walang proper safety gears.

Ang mga machine equipment naman na ginagamit pang-maintenance ng mga bus sa isang motorpool ay inilarawan ni Tulfo na dugyot, nakatiwangwang lang, walang safety covers, nagkasanga-sanga ang mga linya ng kuryente at ang iba ay naka-tap lamang.

Sinabi ni Tulfo na lubha itong mapanganib at takaw aksidente para sa mga trabahador dahil maaari silang masugatan, maputulan ng daliri, makuryente o mabulag.

Wala rin anyang gloves, working boots, apron, at safety goggles ang mga  trabahador.

Hinanapan din ni Tulfo ang mga motorpool manager ng TESDA certificate para sa kanilang mga mekaniko ngunit marami sa kanila ang walang maiprisinta.

Bagamat may ilang bus company na partially compliant sa TESDA hindi naman updated sa makabagong training procedure.

Ayon kay Tulfo, may ibang bus company naman na walang maayos na preventive maintenance and warranty booklet sa bawat bus unit nila para sa madaliang pag-inspect ng LTFRB at iba pang ahensya, pero mayroon namang iba na kumpleto ang digital record bagamat half compliant pagdating sa certification sa TESDA.

Napuna rin ni Tulfo sa isang motorpool na walang safety markings ang under chassis pit o service pit nito kaya may posibilidad na madulas at mahulog ang trabahador nila.

Wala ring proper ventilation at sobrang init kaya malalanghap ng mga trabahador ang samu’t saring amoy ng chemicals na katagalan ay maaaring maging sanhi ng sakit.

About The Author