Tatlong lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger level” na heat index o damang init, ngayong Lunes.
Sa pagtaya ng Pagasa, aabot sa 43°C ang mararanasang heat index sa Virac, Catanduanes.
Makararanas din ng hanggang 42°C na damang init ang Dagupan City sa Pangasinan at Dumangas sa Iloilo.
Samantala, sa Metro Manila, inaasahang aabot sa 40°C ang heat index sa NAIA Pasay City habang 39°C sa Science Garden sa Quezon City.
Dahil dito, pinayuhan ng Pagasa ang publiko na limitahan ang paglabas ng bahay, manatiling hydrated, at magsuot ng preskong damit upang maiwasan ang heat-related illnesses.