dzme1530.ph

Dating ES Medialdea, isinugod sa ospital matapos sumama ang pakiramdam habang binibisita si FPRRD sa ICC Detention Center

Loading

Sumama ang pakiramdam ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea, isa sa mga miyembro ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang binibisita ang kanyang kliyente sa detention center ng International Criminal Court (ICC).

Ayon sa Philippine Embassy sa The Netherlands, habang nagre-register si Medialdea sa reception counter ay biglang sumama ang pakiramdam ng abogado.

Isang Embassy official na kasama ni Medialdea patungong detention center ang agad na tumawag para sa medical attention na ipinagkaloob ng detention center medic.

Dinala ang dating Executive Secretary sa isang ospital sa The Hague, lulan ng ambulansya, kasama si Senador Robin Padilla na nagsisilbi nitong guardian.

Sa update ng Embassy, isang malapit na kamag-anak ni Medialdea ang kasama nito sa isang Dutch hospital.

About The Author