Hindi pipigilan ng Malakanyang ang publiko, partikular ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ipahayag ang kanilang mga sentimyento sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary, Atty. Claire Castro, na karapatan ng supporters na makisimpatya, malungkot, at magdalamhati para sa dating presidente.
Idinagdag ni Castro na sa ngayon ay wala silang nakikitang maka-a-alarma sa administrasyon.
Gayunman, asahan aniya na kikilos ang gobyerno kapag nakababahala na ang mga ginagawa ng Duterte supporters.