Magkakaiba ang pananaw ng senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa usapin kung panahon na bang bumalik ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng International Criminal Court.
Sinabi ni Senate Majority leader Francis Tolentino na dapat ipaubaya na sa 20th Congress ang desisyon kung muli nang papasok sa Rome Statute gayundin sa iba pang tratado.
Para kay Tolentino, hindi siya maglalabas ng konklusyon kung kailangang bumalik sa ICC dahil kailangan aniya ng collegial decision para rito.
Dapat din aniyang makatuwang ng Kongreso ang Department of Foreign Affairs sa pagtalakay sa usapin ng muling pagsabak sa ICC.
Si dating Sen. Panfilo Lacson iginiit na dapat na muli na tayong sumali sa ICC bilang ito ay global court for the powerless.
Ang ibig sabihin aniya nito ay ang ICC ang huling avenue para sa pagsusulong ng hustisya sa mga war crimes, genocide at crimes against humanity.
Ang kinatatakutan ni Lacson ay kung mapasok tayo ng ibang bansa at hindi tayo miyembro ng ICC, posibleng walang tumulong sa atin.
Sinabi naman ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na kailangan ng malawakang konsultasyon sa usapin upang marinig ang clamor ng publiko kung nanaisin pang bumalik sa ICC.
Dapat anyang marinig ang positibo at negatibong epekto nito para sa ating bansa pero dapat ituring pa rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Pilipino na nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno dahil nahaharap sa kaso sa labas ng ating hurisdiksyon.
Umapela rin si Tulfo na hayaan munang gumulong ang kaso at iwasan na muna ang pagbibigay ng iba’t ibang opinyon.
Samantala, ipinangako ni House Speaker Martin Romualdez na ipapanalo niya ang senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Leyte.
Ipinagmalaki ni Romualdez na balwarte ng mga Marcos at ng Romualdez ang Leyte bukod pa sa malawak at matatag ang suporta sa Pangulo kaya’t tiyak aniyang maitatranslate ito sa boto para sa Alyansa.