Suportado ni Sen. Lito Lapid ang pagsuspinde ni Department of Transportation Sec. Vince Dizon sa “No RFID, No Entry policy” ng dalawang toll concessionaires sa mga expressway sa Luzon.
Ayon kay Lapid, mas makabubuti pang pag-aralan ng Toll Regulatory Board, ng DoTr, at ng toll companies kung papano magkakaron ng iisang RFID ang lahat ng toll ways, para sa mas mabilis at maginhawang biyahe ng mga motorista.
Ayon sa senador, sa pagdaan niya sa NLEX ay madalas din siyang nakakaranas ng pagsisikip ng trapiko dahil sa hindi agad na pagbasa ng mga scanner sa RFID ng mga sasakyan, kahit may load ito.
Panawagan ng Senador na gawin nang mas moderno at maging isa na ang RFID ng lahat ng toll way companies.
Sinabi pa ni Lapid na “anti-poor” at hindi makatarungan ang pagpapatupad ng dalawang toll road operators ng ‘cashless-only’ toll collection policy at pagpataw ng penalties sa mga motorista na mahuhuling walang RFID o kulang ang pambayad sa tollways.
Kaugnay nito, pinapurihan ng Senador si Dizon sa kanyang desisyon na ipatigil ang pagpapatupad ng mga patakaran na kontra mahirap at walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong sektor o stakeholders.