Inihayag ng National Economic and Development Authority na isa pa rin ang Pilipinas sa mga may pinaka-mabilis na paglago ng ekonomiya sa Asya.
Ito ay kahit umabot lamang sa 5.6% ang full-average gross domestic product growth ng bansa sa nagdaang taon, na kinapos sa target na 6-6.5%.
Naitala naman sa 5.2% ang GDP growth para sa 4th quarter ng 2024.
Ayon sa NEDA, sa mga bansa sa Asya na nakapaglabas na ng datos para sa 4th quarter ng 2024 ay pumangatlo pa rin ang Pilipinas sa fastest-growing economies, sumunod sa Vietnam na may 7.5%, at China na may 5.4%.
Naungusan din nito ang Malaysia na may 4.8% GDP growth.
Bukod dito, ang 5.6% full-year GDP growth noong 2024 ay bahagya ring mas mataas sa naitalang 5.5% noong 2023. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News