dzme1530.ph

Quad Comm report, gagamitin ng DOJ upang pagtibayin pa ang mga ebidensya at kaso laban sa mga dawit sa EJK

Gagamitin ng Dep’t of Justice ang report ng Quad Committee ng Kamara, upang pagtibayin ang mga ebindensya at kaso laban sa mga dawit sa Extrajudicial Killings, sa panahon ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa bagong pilipinas ngayon public briefing, inihayag ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na bago pa man matapos ang Quad Comm report ay nagtatag na sila ng task force sa National Prosecution Service, upang tutukan ang imbestigasyon sa EJKs at marami na umano silang nakalap na ebidensya.

At kaugnay dito, malaking tulong umano ang imbestigasyon ng Quad Comm, lalo na ang pag-imbita nila sa mahahalagang resource persons kung saan maraming naisiwalat at mga pag-amin na maaaring maging “self-incriminating”.

Nakikipagtulungan na rin umano ang NBI at PNP upang mapalakas pa ang ebidensya.

Mababatid na ini-rekomenda na ng Quad Comm ang pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang personalidad kaugnay ng EJKs at sinasabing reward system sa war on drugs.

—ulat mula kay Harley Valbuena

 

About The Author