dzme1530.ph

Mga dokumentong may kinalaman sa mga property ni Sual Mayor Calugay, pinasa-subpoena ng Senado

Pinaiisyuhan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng subpoena duces tecum ang lahat ng dokumentong may kinalaman sa mga ari-arian ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, kinuwestiyon ni Estrada si Calugay tungkol sa kanyang pag-aari na Happy Penguin Resort.

Sa naturang resort umano nagtago si Alice Guo bago tumakas palabas ng bansa.

Una nang sinabi ni Calugay na hindi niya alam ang naturang resort subalit kinalaunan ay inamin na sa kanya ang lupa na pinagtayuan ng resort subalit naibenta na niya ito noong Hulyo sa isang Veronica Soriano.

Samantala, kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Dir. Usec. Gilbert Cruz na nasa magkakahiwalay na bansa na sina Duanren Wu, Zhang Jie, Huang Zi Yan at si Wesley Guo.

Sa impormasyon ni Cruz, si Wu ay nasa Indonesia habang si Zhang ay nasa Singapore at sina Huang at Wesley ay nasa Hong Kong. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author