Nais paimbestigahan ni Sen. Raffy Tulfo ang insidente sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kung saan nakita ang isang babaeng Vietnamese na nakahubad na gumagala sa departure area.
Bilang bagong chairman ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Tulfo na maghahain siya ng resolusyon upang suriin ang security protocol sa airport facilities.
Sa impormasyon, ang babae ay residente ng Binh Minh, Vietnam, at papaalis na sana patungong Ho Chi Minh City noong Hunyo 8, 2024 subalit na-offload makaraang matukoy na overstaying tourist siya at kailangang magbayad ng multa.
Ipinaliwanag ni Tulfo na bagamat pinayagan ding lumabas ng bansa ang dayuhan matapos masuri sa MIAA Medical Clinic, kapansin-pansin sa lumabas na video na tila nagulat ang airport security at hindi malaman kung ano ang gagawin sa sitwasyong katulad nito.
Partikular na pinuna ng senador ang kabiguan ng security officers na mapigilan ang babae na patuloy na maglakad patungo sa boarding gate na nagdulot ng komosyon sa paliparan.
Nais matukoy ni Tulfo kung may sapat na pagsasanay ang airport security personnel sa mga insidenteng tuald nito.
Dapat din anyang linawin ang mga tungkulin na kailangang gampanan ng Philippine National Police Aviation Security Group, Manila International Airport Authority, Office for Transportation Security, blue guards at iba pang concerned agencies sa ganitong mga sitwasyon para maiwasan ang pagtuturuan at sisihan.