dzme1530.ph

14 ARESTADO, P47.58-M HALAGA NG KONTRABANDONG SIGARILYO, NASAMSAM SA CAVITE

Loading

Arestado ang 14 na indibidwal matapos makumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang 793 master case ng hinihinalang kontrabandong sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱47,580,000.00 sa Barangay Poblacion 1A ng nasabing bayan, Ternate, Cavite.
 
Ayon sa ipinadalang report ni CIDG Cavite Provincial Field Unit Chief Lieutenant Colonel Mark Jason M. Gatdula kay CIDG Director PMGen. Robert AA. Morico, kabilang sa mga naaresto ang 13 kalalakihan at isang babae na nagsisilbing mga driver at pahinante ng limang sasakyan na pinara umano dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko.
 
Sa isinagawang inspeksiyon ng mga awtoridad, nadiskubre sa mga sasakyan ang mga kahon ng sigarilyo na hinihinalang ilegal na naipamahagi dahil sa kawalan ng kinakailangang tax stamp galing sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at graphic health warning sa mga pakete.
 
Bukod sa mga sigarilyo, kinumpiska rin ang limang sasakyang ginamit sa pagdadala ng mga kontrabando.
 
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa ilalim ng Republic Act 4136 (Land Transportation Traffic Code), RA 10643 o “Graphic Health Warning Laws” at RA 8242 (Tax Reform Act of 1997). Patuloy naman ang kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na kalakalan ng mga produktong tabako upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at maiwasan ang pagkalugi ng pamahalaan sa buwis.

About The Author