dzme1530.ph

Dating Sen. Lacson, nais maging bahagi ng review sa itinatayong senate building sa Taguig City

Nais ni dating Senador Panfilo Lacson bilang dating pinuno ng Senate Committee on Accounts na maging bahagi ng review ng Senado sa sinasabing gastusin sa itinatayong bagong gusali ng senado.

Ito upang maliwanagan din ang mga lumulutang na isyu sa proyekto partikular ang sinasabing hinihinging dagdag na P10 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways kaya’t lolobo sa P23 billion ang gastusin dito.

Ipinaliwanag ni Lacson na karamihan ng mga isyu na lumulutang ngayon kaugnay sa konstruksyon ng gusali ay maituturo sa DPWH.

Ayon kay Lacson, noong siya pa ang Chairman ng Senate Committee on Accounts, palagi rin silang nakikipagtalo sa DPWH kaugnay sa hindi pagkakasundo sa variation orders at ilang pagbabago sa pagpapatayo ng gusali na inilalatag sa kanila ng ahensya.

Nakausap rin ng dating senador ang kanyang mga tauhan at nalaman niyang pareho rin ang mga problemang kinakaharap kaya wala naman siyang pagdududa sa determinasyon at paninindigan ni Senador Nancy Binay para matapos nang maayos ang Senate Building.

Sinabi ni Lacson na sa katunayan ay kinontra ni Binay ang Progress Billing no. 17 na ayaw bayaran ng senadora dahil nagdesisyon ang DPWH sa pamamagitan ng contractor na Hillmarc na bawasan ang height ng ceiling sa main building na wala naman sa napagkasunduang specifications.

Iginiit naman ni Lacson na bagamat ayaw niya magturo may mga pagkakataon na mapipilitan ang senado na mamili dahil kung hindi ay posibleng ma-delay ang proyekto kapag hindi napagbigyan ang hinihinging variation.

About The Author