dzme1530.ph

Mga nagsulputang istruktura sa Sierra Madre Area, dapat ding silipin

Bukod sa kontrobersyal na resort sa Chocolate Hills sa Bohol, nais ding ipasilip ni Sen. JV Ejercito ang mga nagsulputang istruktura sa Upper Marikina River Basin Watershed partikular sa Sierra Madre area.

Sinabi ni Ejercito na matagal na rin niyang kinakalampag ang Department of Environment and Natural Resources kaugnay sa mga istruktura sa lugar na natatakpan na ang tunay na ganda ng Sierra Madre.

Iginiit ng senador na dapat magsilbing eye-opener ang nadiskubreng resort sa paanan ng Chocolate Hills na dapat ay protected area.

Binigyang-diin ni Ejercito na bukod sa DENR, dapat kumilos din ang mga lokal na pamahalaan para maisulong ang preserbasyon ng mga cultural heritage sa bansa.

Hindi rin anya sapat na dahilan ang kawalan ng matitirhan ng ating mga kababayan para pagtayuan ng mga structures ang mga protected area.

Ipinaalala ng mambabatas na maraming bakanteng lupa na pwedeng gawing housing area na ngayon ay tinututukan ng gobyerno para makapagbigay ng pabahay sa ating mga kababayang mahihirap.

Umaasa rin ang senador na maipapasa na ang panukala ni Senador Loren Legarda na nagsusulong ng pangangalaga sa mga cultural heritage ng bansa.

About The Author