Nanawagan ang mga residente ng Central Negros sa Senado na tapusin na ang kanilang paghihirap sa kakapusan ng suplay ng eletrisidad sa pamamagitan ng pag-apruba sa prangkisa ng kumpanyang sasalo sa distribusyon ng kuryente sa lugar.
Sa kanilang joint statement sa Senate Committee on Public Services, hiniling ng community associations ng Bacolod City, Negros Occidental na aprubahan ang Congressional franchise ng Negros Electric and Power Corporation (NEPC).
Kasabay nito, iginiit din ng homeowners-consumers ang kanilang pagkadismaya sa palpak na serbisyo ng Central Negros Electric Cooperative na labis na nakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Kaya naman, naniniwala ang mga ito na napapanahon nang isailalim sa rehabilitasyon ang imprastraktura ng CENECO at tanging isang pribadong distribution utility ang may sapat na kakayahang pinansyal, teknikal at managerial expertise para gawin ito.
Magkakasama ring inaprubahan ng member-consumer-owners ang Joint Venture ng CENECO at NEPC sa isang plebesito noong isang taon.
Nakatakdang bilhin ng Primelectric Holdings Incorporated, mother company ng NEPC, ang lahat ng electric distribution assets ng CENECO sa pamamagitan ng 70 percent cash at 30 percent share sa sandaling maaprubahan ang congressional franchise ng NEPC para sa operasyon sa mga lungsod ng Bacolod, Bago, Silay, at Talisay at munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto.