Dumating na sa Czech Republic si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pagpapatuloy ng halos isang linggong European trip.
Ito ay matapos ang kanyang tatlong araw na working visit sa Germany.
5:43 ng hapon oras sa Czech Republic o 12:43 ng madaling araw oras sa Pilipinas nang lumapag ang Philippine Airlines Flight PR001 sa Vaclav Havel International Airport sa Prague, sakay ang pangulo at ang Philippine delegation.
Nakatakdang makipagpulong ang pangulo kay Czech President Petr Pavel, at Czech Prime Minister Petr Fiala.
Makikipagkita rin ito kina Czech Senate President Miloš Vystrčil at Speaker of the Chamber of Deputies Markéta Pekarová Adamová.
Inaasahang lalagdaan din ang joint communiqué sa labor consultation para sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Czech Republic at pagpapaigting ng proteksyon sa kanilang mga karapatan.