dzme1530.ph

Pagtakas ng 3 preso sa Makati City detention facility fake news ayon sa SPD

Nananawagan ang Southern Police District sa publiko na mag ingat at huwag basta basta magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon sa social media.

Ito ang panawagan ng SPD matapos kumalat sa social media at text messages ang umano’y nakatakas na tatlong preso sa Guadalupe at Embo sa Lungsod ng Makati.

Ayon sa SPD walang katotohanan ang kumakalat na tatlong preso na may kasong rape, homicide at murder na nakatakas sa detention facility.

Nagsagawa na anya ng aksyon ang Intelligence operatives at SOCO Team ng Makati sa naturang report kung saan nagtungo sila sa Guadalupe Nuevo Sub Station, BJMP sa Makati City, at sa La Paz Custodial Facility.

Kaugnay nito, tiniyak ng SPD ang kaligtasan ng publiko sa kanilang police visibility, pag-monitor sa mga sitwasyon at pagbibigay agad ng impormasyon sa publiko kung kinakailangan.

About The Author