Napapanahon nang pagbayarin ang National Grid Corporation of the Philippines sa pagkalugi ng mga negosyo partikular ng mga maliliit na negosyante na labis na naapektuhan ng power outage sa Western Visayas.
Ito ang iginiit ni Senate Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian sa gitna ng paulit-ulit na pagpapabaya ng NGCP dahilan ng kakapusan ng suplay ng kuryente sa iba’t ibang lugar.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na masyadong maliit kung multa lamang ang pababayaran sa NGCP kaya’t mas masasaktan anya ang korporasyon kung isasama sa kanilang parusa ang pagbabalik ng pagkalugi ng mga negosyante.
Sinabi ni Gatchalian na batay sa kanilang pag-aanalisa, dalawa ang may responsibilidad sa nangyaring power outage.
Kabilang dito ang Panay Electric Development Corporation (PEDC) at ang NGCP dahil hindi sila nagsagawa ng manual load dropping kaya buong sistema ang nag collapse at nagkaroon ng blackout sa buong Panay Island.
Muli ring binigyang-diin ng senador na naiwasan sana ang power outage kung natapos na ang Mindanao-Visayas interconnection at Cebu-Negros-Panay interconnection upgrading dahil labis ang supply ng kuryente sa Mindanao. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News