dzme1530.ph

DBM, naglabas ng P550-M para sa out-patient dep’t building ng NKTI

Naglabas ang Dep’t of Budget and Management ng mahigit kalahating bilyong piso para sa pagtatayo at pagpapalawak ng out-patient dep’t building ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.

Inaprubahan ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Orders na nagkakahalaga ng P550 million para sa proyekto.

Sa ilalim nito, target itayo ang walong palapag na OPD building na magsisilbing one-stop shop ng pagamutan para sa social services kabilang ang diagnostic at surgical facilities.

Sinabi ni Pangandaman na patuloy na tinututukan ang health care facilities lalo na ang specialty hospitals, alinsunod sa bilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang Pilipino ang dapat na mapagkaitan ng dekalidad na serbisyo sa kalusugan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author