dzme1530.ph

Ligaw na bala, pumatay ng isa sa Mariveles, Bataan; 4 iba pa, sugatan

Isa ang patay makaraang tamaan ng ligaw na bala sa Mariveles, Bataan, habang apat na iba pa ang nasugatan sa iba’t ibang panig ng Luzon, noong bisperas ng bagong taon.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, nasa balkonahe ng bahay ang biktima at nagpapahangin nang tamaan ito ng ligaw na bala.

Aniya, agad dinala ang biktima sa Mariveles District Hospital subalit binawian din ng buhay.

Samantala, isang babae sa Antipolo ang tinamaan din ng ligaw na bala sa braso habang nanonood ng fireworks sa labas ng kanilang bahay, kasama ang kanyang pamilya.

Sa paa naman ang tama ng isang taga-Marikina habang ang dalawang iba pa na nasugatan din dahil sa ligaw na bala ay mula sa San Fabian, Pangasinan. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author