Mahigit 80,000 barangay health workers (BHWs) ang nawalan ng trabaho kasunod ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, ayon sa isang party-list na kumakatawan sa Barangay-Level Healthcare Workers.
Sinabi ng BHW Association Inc., na hindi ni-reappoint ng mga nanalong kandidato sa ilang barangay ang BHWs dahil hindi sila kaalyado sa politika.
Inihayag ni BHW Association Region 4A President Jamil Mora na ang pag-alis sa mga BHW ay paglabag sa joint memorandum circular ng Department of Health at ng department of the Interior and Local Government, na nagsasaad na ang non-reappointment sa kanila ay dapat dumaan sa due process.
Idinagdag ni Mora na ang pag-alis sa mga BHW ay matagal nang problema sa bansa, at ang kanilang skills at training ay nasasayang lang.
Sa ilalim ng panukalang Magna Carta for BHWs, sinabi ng party-list na ang mga elected barangay chairperson na magtatanggal ng BHWs dahil hindi kakampi sa politika ay posibleng maharap sa parusa.