dzme1530.ph

Mga pumping stations sa Valenzuela, binuksan na matapos ang halos isang linggong pagbaha

Binuksan na ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang kanilang 23 pumping stations para mabawasan ang tubig-baha sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Anila, ito lamang ang nakikita nilang pa­raan para mapababa ang baha na dulot ng malalakas at pabugso-bugsong ulan bunsod ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon na sinabayan pa ng habagat.

Napag-alaman na dahil sa pagbubukas ng mga pumping stations na ito, bahagyang humupa at bumaba ang mga baha sa iba’t ibang mabababang lugar kaya’t naging passable na ang mga kalsada sa mga motorista.

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga lugar sa lungsod na lubog pa rin sa baha kagaya ng kahabaan ng G. Lazaro Street o sa harap mismo ng Valenzuela Emergency Hospital na umaabot ng hanggang baywang kaya’t maging mga malalaking sasakyan gaya ng truck ay hindi rin makadaan dito.

Baha rin sa ilang bahagi ng mga Barangay Dalandanan, Pasolo, Rincon, Polo, Isla, Arkong Bato at Malanday. —ulat mula kay Jay de Castro, DZME News

About The Author