Tiwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva na magiging solusyon sa malawakang pagbaha ang pagkakaroon ng malinaw na ‘Roadmap’ sa isinusulong na integrated flood control master plan.
Ayon kay Villanueva, kapag may roadmap sa integrated master plan ay matitiyak ang continuity o pagpapatuloy sa paggawa ng proyekto kahit mapalitan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa ganitong paraan aniya kahit abutin ng ilang taon bago matapos ang integrated flood control project ay hindi maaaring baguhin ng bagong uupong opisyal dahil lamang hindi ginawa sa kanyang termino ang proyekto.
Dahil sa tumitinding pagbaha tuwing umuulan, umapela si Villanueva sa national at local governments na sa pagkakataong ito ay magsama-sama para maisakatuparan ang integrated strategic master plan gayundin ang water resources management department sa buong bansa at maibaba ito sa ating mga kababayan.
Idinagdag pa ni Villanueva na dapat mapag-aralan ng mabuti ang proposal upang maiwasan nang mangyari ang palagi na lang ‘business as usual’ at panay band aid solution lang na pagtugon sa problema sa baha. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News