![]()
Higit na nakararaming Pilipino ang nag-aalinlangan o ayaw pang magbigay ng pasya sa impartiality kaugnay ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Sa April 20-24 Tugon ng Masa survey sa 1,200 adult respondents, 19% lamang ang naniniwalang magdedesisyon ang mga senador, batay sa ebidensya at batas, sa halip na political considerations.
Samantala, 32% ng mga Pinoy ang hindi naniniwala na mangyayari ito, habang halos kalahati o 49% ang nananatiling undecided.
Ayon sa OCTA, nangangahulugan ito na mahigit apat mula sa limang Pinoy o 81% ang duda na magpapasya ang mga senador, batay sa ebidensya at batas, o hindi pa nakabubuo ng tiyak na hatol sa usapin.
Ipinahihiwatig nito na hindi pa man nagsisimula ang paglilitis, marami nang Pilipino ang hindi muna nagbibigay ng kanilang pasya kung paano isasakatuparan ng mga senador ang kanilang constitutional responsibilities bilang mga miyembro ng impeachment court.
