![]()
Nakaalarma para kay Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri na umabot na sa ₱32 billion ang nawawalang kita sa industriya ng turismo dahil sa pag-unti ng bumibisita sa Siargao sa Surigao del Norte, gayundin sa El Nido at Coron sa Palawan.
Sa pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Transportation sa susunod na taon, ipinahayag ni Zubiri ang kanyang pagkadismaya at pagkaalarma sa pagkawala ng direct flights mula sa Manila patungong major tourist destinations dahil pinalipat sila sa Clark International Airport sa unang bahagi nitong taon.
Ito ay dahil ang maliliit na eroplanong turboprop para sa domestic flights ay hindi na pinapalapag sa NAIA.
Sa pamamagitan ng datos mula sa Department of Tourism, sinabi ni Zubiri na makikita na nasa ₱7.6 billion ang nawala sa economic activities sa El Nido, ₱10.61 billion sa Coron.
Sa El Nido at Coron, bumaba ng higit 271 thousand o halos 60% ang bilang ng mga turista mula January hanggang September.
₱14.2 billion naman ang nawala sa turismo ng Siargao kung saan halos 60% na rin ang ibinaba ng bilang ng turista.
Iginiit ni Zubiri na hindi ito nakakatawa at iminungkahi na ipagamit ang Sangley Point Airport sa Cavite kaysa sinisiksik ng flights ang Clark International Airport.
