dzme1530.ph

10 panukala, target maipasa ng Senado bago ang SONA

Target ng Senado na maipasa ang may 10 panukalang nakapending sa kanilang hanay upang malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa huling Lunes ng Hulyo.

Binigyang-diin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bagamat may kaunting oras lamang sila para maipasa ang mas marami pang priority measures, kumpyansa sila sa Senado na kahit sampu dito ay malagdaan na agad ng Pangulo para maging ganap na batas.

Kabilang sa ipaprayoridad ang Philippine Maritime Zones Act, Real Property Valuation Assessment Reform Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, at Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act na kasalukuyang nasa bicameral conference committee.

Dagdag pa rito ang inadopt ng Kamara na Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS), gayundin ang mga ipapasa sa pagbabalik sesyon na Anti-Financial Accounts Scamming Act (AFASA), New Government Procurement Act, Blue Economy Act at ang Enterprise-Based Education and Training Framework Act.

Aminado naman ang senador na kahit iprayoridad nila ang pagtalakay ay malabo pa nilang maipapasa agad ang panukala para sa Mandatory ROTC.

Ayon kay Villanueva, may mga senador na may reservation sa panukala katulad niya.

Partikular na isyu ng mambabatas sa Mandatory ROTC ang cost o halagang kakailanganin para sa pagpapatupad nito na aabutin ng bilyong-bilyong piso.

About The Author