![]()
UMABOT sa 1,260 percent ang naging paglobo ng idineklarang yaman ni Vice President Sara Duterte sa loob ng panunungkulan niya sa gobyerno.
Batay sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs na iniharap sa Senate Impeachment Court, mula P7.2 million noong 2007, umakyat sa P98.7 million ang networth ng Bise Presidente noong 2025.
Kinumpirma ni Atty. Karen Batu, officer-in-charge ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman, ang mga SALN ni Duterte sa pagharap sa day 25 ng impeachment trial.
Batay sa SALNs ng Bise Presidente, ayon kay Batu ang networth niya noong 2007 nang mahalal siya bilang vice mayor ng Davao City ay P7.2 million na umakyat sa P71.7 million noong 2022 nang mahalal siya bilang Bise Presidente.
Tumaas pa ito sa P77.5 million noong 2023; P88.5 million noong 2024; at P98.7 million noong 2025.
Sa ilalim ng Section 13, Article VII ng 1987 Constitution, bawal sa Bise Presidente habang nanunungkulan ang direkta o hindi direktang pagpasok sa ibang propesyon, pakikilahok sa negosyo, o pagkakaroon ng financial interest sa mga kontrata o prangkisang konektado sa gobyerno.
Ngunit ayon kay Batu, nakalista pa rin sa mga SALN ni Duterte ang ilang corporate at business interests matapos siyang mahalal bilang Bise Presidente.
Pero walang idineklarang acquisition cost o halaga ng stock equity si Duterte para sa mga business interest na ito sa kanyang SALNs.
