dzme1530.ph

Trabaho Party-List, umabante sa Top 36 sa 2025 SWS pre-election survey

Loading

Umabante sa top 36 mula sa pagiging top 54-55 noong December 2024 ang 106 Trabaho Party-List sa mga napipisil na iboto ng taumbayan sa darating na halalan sa Mayo, batay sa Stratbase-SWS January 2025 pre-election survey na inilabas ng Social Weather Stations.

Ayon sa grupo, itinuturing nila ang resulta ng survey bilang malaking tagumpay na nagpapakita ng tiwala mula sa mga manggagawa.

Ang pag-angat ng Trabaho Party-List ay tumugma rin sa mga hinahanap na prayoridad ng mga nakilahok sa SWS survey tulad ng mas marami pang oportunidad sa trabaho, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at karapatan ng mga manggagawa.

Nakilala ang Trabaho Party-List sa pagsusulong ng mga plataporma nitong kalidad na trabaho, patas na oportunidad, sapat na sahod, dagdag na benepisyo para sa bawat manggagawa, at maayos na kondisyon sa pagtatrabaho.

Kamakailan lamang ay nanawagan ang Trabaho Party-List na bigyang prayoridad ang job security at pagtaas ng sahod kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Isinagawa ang survey noong January 17 hanggang 20 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1800 respondents.

About The Author