![]()
ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang panukala na naglalayong protektahan ang mga Pilipinong manggagawa mulasa retrenchment o pagkatanggal sa trabaho dahil sa Artificial Intelligence o AI automation.
Inihain ni Tulfo ang Senate Bill 2563 sa gitna ng mga ulat ng malawakang tanggalan ng mga empleyado dahil sa pagpasok ng AI.
Sinabi ni Tulfo na hindi mawawala ang pangangailangang mag-adopt ng mga kumpanya sa AI pero hindi dapat ma-kompromiso ang trabaho ng mga empleyado.
Layun ng panukala ni Tulfo na magdagdag ng mga probisyon sa Labor Code of the Philippines na nagsasaad ng mga kondisyon kung kailan masasabing patas ang pagtatanggal sa isang manggagawa dahil sa AI.
Kabilang sa mga kondisyon ay:
– Dapat may totoong paggamit ng AI technologies o systems;
– Dapat ipatupad ang AI nang may “good faith”;
– Ang layun dapat ng AI sa trabaho ay makatwiran tulad ng pagbabawas sa gastos, at para sa ikagaganda ng serbisyo;
– Wala nang ibang opsyon maliban sa AI na maaaring magbawas ng mga tao; at
– Dapat patas at rasonable ang pagtatanggal sa mga empleyadong apektado.
Nagbibigay din ang naturang panukala ng proteksyon para sa mga makatwirang tatanggalan sa trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng separation pay na katumbas ng hindi bababa sa dalawang buwang suweldo o hindi bababa sa dalawang buwang suweldo sa bawat taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Kung mayroong balak na pagtatanggal sa trabaho, iniaatas ng Senate Bill na ito sa mga employer na ipagbigay-alam ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) nang hindi bababa sa anim na buwan bago ito isagawa.
At kung sakaling magpasok o magpatupad ng mga AI system na nakikitang magiging dahilan ng pagtatanggal sa trabaho, tinitiyak ng panukala na muling sasanayin muna ng mga employer ang mga kasalukuyang empleyado bago humantong sa pagtatanggal.
