![]()
Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na opisyal nang binawi ang suspensyon sa koleksyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, na ipinatupad noong Abril upang maibsan ang pasanin ng taumbayan sa gitna ng pabago-bagong global oil price dulot ng krisis sa Middle East.
Ang naturang hakbang ay bunsod ng pagbaba ng average price ng Dubai crude noong nakaraang buwan nang mas mababa sa 80 dollars per barrel threshold sa ilalim ng Executive Order No. 114-2026.
Pinayuhan ng BIR ang lahat ng concerned manufacturers, importers, petroleum product companies, taxpayers, at stakeholders na sinertipikahan ng Department of Energy (DOE) na ang one-month average ng Dubai crude oil price, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), simula June 1 to 30, 2026, ay 79.45 dollars per barrel.
Bago ang suspensyon, ang excise taxes sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay itinakda sa 3 pesos per kilogram para sa LPG at 5 pesos per liter sa kerosene.
