dzme1530.ph

SUPER TYPHOON ROSAL, BAHAGYANG HUMINA; SIGNAL NO. 2, NAKATAAS SA BATANES AT BAHAGI NG BABUYAN ISLANDS

Loading

Bahagyang humina ang Super Typhoon Rosal habang patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea sa silangan ng Batanes.
 
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng Super Typhoon kaninang 4 a.m., 495 km silangan ng Basco, Batanes.
 
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 195 km/h at pagbugso na hanggang 240 km/h habang kumikilos sa bilis na 20 km/h.
 
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes at sa northeastern portion ng Babuyan Islands.
 
Signal No. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, eastern portion ng Isabela, Ilocos Norte, at Apayao.
 
Sa forecast track ng PAGASA, lalapit ang bagyo sa extreme northern Luzon mamayang hapon hanggang bukas ng umaga, at lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng gabi o sa Sabado ng madaling araw.
 
Samantala, makararanas ang Batanes ng maulan at mahanging panahon habang inaasahan ang mga pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Ilocos Norte, Apayao, Cagayan, at Isabela bunsod ng Super Typhoon Rosal.
 
Magdadala rin ang bagyo ng maulap na kalangitan na may malawakang pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Ilocos Sur, La Union, Aurora, Northern Samar, at Eastern Samar.
 
Magdudulot ang trough ng Super Typhoon ng kaparehong lagay ng panahon sa Zamboanga Peninsula, Western Visayas, Negros Island Region, Lanao del Norte, Misamis Occidental, at Palawan.
 
Makararanas naman ang Metro Manila, pati na ang nalalabing bahagi ng bansa, ng localized thunderstorms.
 
Sumikat ang araw kaninang 5:48 ng umaga at lulubog ito mamayang 5:32 ng hapon.

About The Author