![]()
ISINUSULONG ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang panukala na naglalayong ayusin ang matagal nang mga problema sa sugar industry partikular ang sobrang importasyon, mahinang pagpapatupad ng programa at ang pagbaba ng kita ng mga magsasaka at manggagawa.
Layunin ng Senate Bill No. 2114 na palakasin ang Sugar Regulatory Administration (SRA), i-rationalize ang paggamit ng pondo ng industriya at maglatag ng pananggalang para maprotektahan ang mga local producer mula sa hindi patas na kompetisyon.
Tinukoy ng senador na patuloy pa ring nakikibaka ang industriya sa sistematikong problema na pumipigil sa paglago at kakayahang makipagsabayan ng mga local sugar producer.
Pinuna rin ng senador ang mahina at hindi epektibong pagpapatupad ng Sugar Industry Development Act kung saan hindi nagagamit ng buo ang pondo para kapakinabangan ng mga magsaska at iba pang stakeholders.
Binanggit din ni Ejercito ang hindi matatag na suplay ng asukal at presyo nito dahil na rin sa mga polisiya sa importasyon na nakadagdag sa sobrang suplay nito.
