Tiniyak ni Senate President Francis Escudero na hindi na mangangailangan ng dagdag na pondo ang Senado para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi malaki ang kanilang gagastusin sa isasagawang paglilitis kaya’t hindi nila kailangan humiling pa ng dagdag pondo sa Department of Budget and Management.
Kaya naman aniyang tustusan ng budget para ngayong taon ang kakailanganing pondo.
Sinabi ni Escudero na ang magiging gastusin lamang nila ay ang pagkuha ng mga pribadong legal consultant, ang robe na isusuot ng mga senador bilang impeachment court judges, ang pagpapagawa ng witness box o ang upuan ng tetestigo at sa silid na gagamitin ng media na magkocover, at maghahatid sa publiko ng mga impormasyon sa paglilitis.
Kasabay nito, kinumpirma ng senate leader na naberipika na nila visually ang 215 na lagda ng mga kongresista sa verified impeachment complaint.
Pinabigyan na rin aniya niya ng kopya ng reklamo ang lahat ng senador upang kanila nang mapag-aralan kasabay na rin ng pag-a-upload nito sa Senate website upang ma-access ng publiko.