![]()
Tiniyak ni Senador Joel Villanueva na dadalo siya kung magpapatawag ng special session sa Kongreso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinaniniwalaang sa special session na tuluyang mareresolba ang isyu sa liderato sa Senado.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag sa kanyang video message sa Jesus Is Lord nitong Linggo kung saan sinabi niyang naaapektuhan na ng kaguluhan sa Senado ang buong institusyon lalo na ang mga empleyado.
Sinabi ni Villanueva na hindi tamang palagi na lamang nag-aaway kasabay ng paalala na prayoridad dapat nila sa Senado na magtuloy-tuloy ang trabaho.
Nilinaw naman ni Villanueva na hindi ito ang panahon upang pumili ng kampong papanigan dahil mas maraming mahahalagang bagay ang dapat na gawin para sa kapakanan ng taumbayan.
Kapag naisakatuparan ang special session ay maghahain siya ng resolusyon upang tiyakin na may sapat na pondo ang relief, rehabilitation at recovery sa mga lugar na tinamaan ng magnitude 7.8 na lindol.
