![]()
Nanindigan si Senador Francis Chiz Escudero na walang paglabag sa Konstitusyon ang isinusulong na pagbabago sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Sa interpellation sa Senate Bill 2387, ipinaliwanag ni Escudero na ang idineklara ng Supreme Court na unconstitutional noong June 2023, sa kasong Macalintal vs. COMELEC, ay ang pagpapaliban ng halalan.
Iginiit ni Escudero na hindi pagpapaliban ng eleksyon ang layunin ng kanyang panukala kundi ang pagbabago sa bilang ng taon ng panunungkulan ng mga barangay at SK officials.
Gayunman, ang magiging epekto lang nito ay ang pag-urong ng eleksyon mula sa darating na November 2.
Ayon kay Escudero, maraming pakinabang sa kanyang isinusulong, kabilang na ang matitipid na 20 billion pesos sa gastos sa kada barangay at SK elections.
Kung tatlong taon lang anya ang termino ng barangay at SK officials, makakatatlong eleksyon sa loob ng sampung taon, pero kung gagawin itong limang taon, dalawang eleksyon lang sa loob ng sampung taon kaya may 20 billion pesos na matitipid.
Sinabi ring maitutugma ito sa requirement ng DILG sa mga barangay na magsumite ng panglimang taon na development plan.
