Normal pa rin ang takbo ng pamumuhay ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng napipintong paglabas din ng warrant of arrest laban sa kanya matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni dela Rosa na hanggang sa ngayon ay wala pa namang warrant of arrest laban sa kanya ang ICC.
Bukod sa pamumuhay ng normal ay magpapatuloy din siya sa kanyang pangangampanya para sa 2025 midterm elections.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni dela Rosa na kinausap na niya ang kanyang pamilya kaugnay sa plano niya na susuko sa sandaling maglabas na ng warrant laban sa kanya.
Inamin ni Dela Rosa na alam na niya nitong weekend na aarestuhin na sila ng ICC at ang impormasyon pang nakaabot sa kanya ay dalawa sila ni dating Pangulong Duterte kaya ang agad na naisip niyang remedyo ay magpetisyon para ipa-TRO sa Korte Suprema ang pagdakip sa kanila.
Nilinaw ni dela Rosa na sa kabila ng hindi paglalabas ng TRO ng Korte Suprema ay mayroon pa silang ilang araw upang dipensahan ang kanilang petition for certiorari and prohibition.