![]()
BAGAMA’T welcome development ang panibagong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na mas malaki ang magiging ginhawa sa publiko kung sususpindihin ang excise tax sa langis.
Sinabi ni Hontiveros na bagama’t positibong hakbang ang pagtitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na maipatutupad ang rollback, kailangan pa ring bantayan ang mga oil firm sa pagpapatupad nito.
Dumarami anya ang reklamo mula sa publiko kaugnay sa labis na singil o profiteering sa gitna ng krisis sa enerhiya.
Ipinaliwanag pa niya na malayo pa rin ang kasalukuyang presyo ng petrolyo kumpara sa antas nito bago sumiklab ang digmaan at may posibilidad pa rin na muling sumipa ang presyo anumang oras.
Iginiit ng senadora na hindi sapat na umasa sa rollback at kailangang pag-aralan na ang ibang hakbang tulad ng pagbabawas ng value added tax sa langis.
Muli ring iginiit ni Hontiveros ang panukalang paglalaan ng P52.8 billion emergency supplemental budget para sa mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kabilang sa mga ito ang public transport drivers, mga OFWs, at maging ang mga magsasaka at mangingisda.
