Wala pang natatanggap na verifiable information ang Philippine National Police kaugnay sa kumakalat na balitang may inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong balitaan ngayong araw sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, na ito ang dahilan kung kaya’t hindi pa nito makumpirma ang naturang ulat.
Dagdag nito, wala rin silang hawak na kahit anong warrant of arrests mula sa local courts laban sa dating pangulo.
Kung sakali man aniyang humingi ng tulong ang International Criminal Police Organization sa Pambansang Pulisya ay handa sila at dadaaan sa proseso ang tulong na kanilang ibibigay bilang miyembro rin ng INTERPOL ang PNP.
Nabatid na si Duterte ay nahaharap sa reklamong crime against humanity sa ICC dahil sa umano’y extrajudicial killings sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Samantala, tinawag naman na ‘fake news’ ni Fajardo ang 7,000 pulis na idineploy para maghain ng warrant kay Duterte sa Davao.
Saad ng opisyal, ang naturang pagpapakalat ng libo-libong personnel ay bahagi ng kanilang simulation exercise sa paghahanda sa eleksyon 2025.