![]()
HINIMOK ni Senador Kiko Pangilinan ang Philippine National Police na magpatupad ng maximum tolerance at igalang ang karapatan ng bawat Pilipino na magtipon nang mapayapa at malayang ipahayag ang kanilang saloobin.
Dapat anyang magkasabay ang pagpapanatili ng public order at pagprotekta sa mga batayang kalayaan ng mamamayan.
Ipinaalala ni Pangilinan na parehong Pilipino ang mga pulis at ang mga nagpoprotesta.
Pareho rin anya silang may mga pamilyang nag-aalala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, disenteng kabuhayan, ligtas na komunidad, at mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak.
Kaya naman hinihimok niya ang pulisya na kilalanin ang shared aspirations at harapin ang mga mapayapang nagpoprotesta nang may pang-unawa, restraint, at paggalang.
Sa pagdating anya ng mga lider at panauhing mula sa iba’t ibang bansa, dapat ipakita na may lugar ang pagtutol sa demokrasya.
Hindi anya dapat ikahiya ng bansa ang mapayapang mga protesta at sa halip, pagkakataon ito upang ipakita sa mundo na gumagana ang demokrasya sa Pilipinas — malayang nakapagsasalita ang lahat napakikinggan ang magkakaibang pananaw, at pinoprotektahan ng mga awtoridad ang mga kalayaang ito.
