![]()
KINUMPIRMA ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na isa pang dayuhang kumpanya ang interesadong magtayo ng oil refinery at depot sa bansa.
Sinabi ni Tulfo na nagpadala na ng sulat ang Brightside Industries Group sa kanila para sa intensyon na kahalintulad ng proposal ng Abu Dhabi National Oil Company o ADNOC ng United Arab Emirates.
Mas maganda anya na mas maraming kumpanya ang maglagay ng oil depot at refinery sa bansa dahil nakatitiyak na hindi na mauubusan ng suplay kung sakaling magkagulo muli sa Middle East.
Gayunman, sinabi ni Tulfo na ang Department of Energy ang dapat na kausapin para sa pormal na negosasyon at kasunduan.
Sa liham, sinabi ng Brightside kay Tulfo na walang ilalabas na pera ang Pilipinas para sa pagpapatayo ng nasabing imbakan ng langis, subalit kailangan anyang alamin din kung ano ang terms ng kumpanya.
Tingin ni Tulfo, tulad ng ADNOC, nais din ng Brightside na mag-imbak ng langis sa Pilipinas para maibenta sa ibang bansa sa Asya.
