dzme1530.ph

Pilipinas, nakasungkit ng panibagong ginto sa World Youth Championships

Nakasungkit ang Pilipinas ng panibagong gintong medalya sa International Weight Lifting Federation (IWF) World Youth Championships sa Durres, Albania, ngayong Lunes, oras sa Pilipinas.

Ito’y matapos mamayagpag si Albert Ian Delos Santos sa men’s 61-kilogram division sa naturang tournament.

Bumuhat ang 16 anyos na Pinoy weightlifter ng 110 kilograms sa snatch at 149 kilograms sa clean and jerk para sa kabuuang 259 kilograms.

Nagkamit naman ng silver medal ang kinatawan ng Turkmenistan na nakapagtala ng total lift na 258 kilograms habang bronze medal naman ang naiuwi ng atleta ng Vietnam na nakapagbuhat ng kabuuang 255 kilograms.

Pinasalamatan naman ni Delos Santos ang nag-iisang Filipino olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz sa pagtulong sa kanya na magtagumpay sa naturang kompetisyon.

About The Author