![]()
NANANAWAGAN si Senador Joel Villanueva sa pamahalaan na agarang kumilos upang matugunan ang tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa bansa at matiyak na handa ang mga manggagawang Pilipino sa mga pangangailangan ng nagbabagong labor market.
Kasunod ito ng pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority o PSA na nagpapakitang umakyat sa 5.4 percent ang unemployment rate noong September 2026, mula sa 3.8 percent sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ng senador na hindi na kakulangan sa batas ang pangunahing problema kundi ang maayos na pagpapatupad ng mga umiiral na polisiya, kabilang ang Trabaho Para sa Bayan Act at Enterprise-Based Education and Training Framework Act.
Nagbabala rin si Villanueva na posibleng lalo pang lumala ang unemployment dahil sa inaasahang epekto ng Super El Niño, na maaaring magdulot ng matinding tagtuyot sa maraming bahagi ng bansa hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Dahil dito, iginiit ni Villanueva ang pangangailangang mabigyan ng alternatibong kabuhayan ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho sa sektor ng agrikultura.
Isinusulong din niya ang pagpapalawak ng pagsasanay sa artificial intelligence at robotics upang maihanda ang mga Pilipino sa mga trabahong higit na mangangailangan ng mga bagong teknolohiya.
Hiniling ng senador sa Department of Economy, Planning, and Development, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, TESDA, Commission on Higher Education at iba pang kaukulang ahensya na magsumite ng mga ulat sa Senado hinggil sa pagpapatupad ng mga programang pang-empleyo.
Kabilang dito ang mga target na nakamit na sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Act, mga programang kasalukuyang ipinapatupad, tulong sa mga displaced agricultural workers, at bilang ng mga Pilipinong naaabot ng AI at robotics training programs.
Binigyang-diin ni Villanueva na panahon na upang panagutin ang mga kinauukulang ahensya at tiyaking magbubunga ng mas marami at de-kalidad na trabaho ang mga batas na naipasa para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
