![]()
INAASAHAN na ng Senado na idudulog sa Korte Suprema ang naging botohan nila nitong Miyerkules kaugnay sa pagbabatayan ng 2/3 votes para sa conviction sa impeachment kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang pahayag ni Senate President Sherwin Gatchalian matapos maghain ng petition for writ of preliminary injunction sa Korte Suprema si dating Executive Secretary Vic Rodriguez hinggil sa naging botohan at humihingi ng TRO laban sa impeachment trial.
Sinabi ni Gatchalian na aabangan nila ang magiging aksyon ng mga mahistrado ng Supreme Court sa petisyon subalit ipinaalala ang naging pahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno na ang Impeachment Court ay hindi under ng Supreme Court o ng judiciary.
At pangalawa, ang trabaho anya ng impeachment court alinsunod sa konstitusyon ay maglitis at magdesisyon kaya’t magpapatuloy anya ang pagdinig hanggang magbaba na sila ng hatol.
Binanggit din ng Senate President ang naging pahayag ni dating Chief Justice Artemio Panganiban na maaari lang iakyat sa Korte Suprema ang mga desisyon ng Impeachment Court kung mayroong grave abuse of discretion
Iginiit niyang binigyang-diin ni Panganiban ang salitang grave o malalang pag-abuso kaya’t mas mataas anya ang pamantayan sa pagdulog sa Korte Suprema.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na wala naman siyang naririnig na plano ng anim na miyembro ng Senate Minority bloc na hindi na dumalo sa mga susunod na pagdinig ng impeachment Court.
Ibinahagi ng senate leader na maganda ngayon ang working relationship ng senate majority at minority blocs at katunayan ay nabibigyang prayoridad din ang mga panukala ng mga miyembro ng minorya.
Matatandaang hindi na nagparticipate sa botohan para sa usapin sa threshold sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senators Pia Cayetano, Imee Marcos, Bong Go, Camille Villar at Robin Padilla sa paninindigan na hindi dapat baguhin ang 16 na boto para sa conviction sa impeachment case alinsunod sa konstitusyon.
