Naglabas ng tips ang Presidential Communications Office upang makaiwas sa International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catchers.
Ayon sa PCO, ang IMSI catchers ay ang mga pekeng cell towers o stingrays na nagpapanggap na tunay at nagde-detect at nag-aanalisa ng signal ng mga cellphone.
Sa oras umano na maka-konekta ito sa isang cellphone ay maaari nitong masubaybayan ang lokasyon nito gamit ang Phone ID, masagap ang mga tawag at mensahe, harangin ang komunikasyon sa pamamagitan ng pagpapahinto ng koneksyon ng cellphone sa totoong cell tower, at pagpapadala ng mga pekeng mensahe at pagpapanggap na lehitimong source.
Upang manatiling ligtas, pinayuhan ang cellphone users na i-on ang airplane mode o patayin ang cellphone sa mga sensitibong lugar, iwasan ang paggamit ng public Wi-Fi sa mga importanteng gawain, patayin ang location tracking kapag hindi kailangan, at i-update ang software para maayos ang security issues na pwedeng samantalahin ng IMSI catchers. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News