Mistulang sinumbatan ni Sen. Robin Padilla si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng pagpapahintulot nito na maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa warrant for crimes against humanity ng International Criminal Court.
Pasado alas-11 kagabi nakaalis ang eroplanong lulan si Duterte patungong The Hague sa Netherlands kung saan ang headquarters ng ICC.
Sinabi ni Padilla na noong panahong walang masandalan si Pangulong Marcos ay sinuportahan at pinrotektahan ito ng kanilang grupo kaya’t dapat anyang isinaalang-alang ng Pangulo ang sentimyento ng publiko.
Iginiit ng senador na itinuturing nila ang kanilang mga sarili na kaibigan at tapat na tagasuporta ng pangulo kaya’t umapela pa siya kay Pangulong Marcos na ipatigil ang operasyon ng Philippine National Police sa pagsunod sa direktiba ng International Criminal Court na aniya paglabag sa soberanya at batas ng Pilipinas.
Sa pahayag naman ni Pangulong Marcos, ipinaliwanag na ang pagkilos ay hindi batay sa atas ng ICC kundi dahil nanghingi ang Interpol ng tulong sa gobyerno para maaresto si Duterte.
Kung hindi aniya sinunod ang hiling ng Interpol ay hindi na tutulungan ang bansa sa ibang mga kaso na sangkot ang mga puganteng Pilipino na nasa ibang bansa.