![]()
Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat may nakahanda nang pondo ang gobyerno para sa fuel subsidy, lalo na para sa mga public utility drivers at iba pang sektor na direktang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ay kasunod ng panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Binigyang-diin ni Go na walang nakalaang pondo para sa fuel subsidy sa 2027 National Expenditure Program.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, humiling ang DOTr ng limang bilyong piso para sa fuel subsidy, pero hindi ito nakasama sa panukalang 2027 budget.
Iginiit ni Go na dapat handa na ang gobyerno sa pagtaas ng presyo ng langis at hindi na maghahanap pa ng pondo kapag nararamdaman na ng mga tsuper ang epekto nito.
Kasalukuyang nakatatanggap ng P12-per-liter fuel discount ang mga kwalipikadong jeepney at UV Express drivers, para sa hanggang 150 litro bawat linggo.
Binigyang-diin din ni Go na hindi lamang mga motorista at tsuper ang apektado ng pagtaas ng langis, dahil maaari rin itong magdulot ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng paghahatid ng mga produkto, at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
