Humiling ng tulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau, para sa pag-endorso sa Group of Seven (G7) countries sa tindig ng Pilipinas sa South China Sea.
Sa bilateral meeting kay Trudeau sa sidelines ng ASEAN Summit sa Laos, inihayag ng Pangulo na inaasahan niya ang suporta ng Canadian leader lalo na kapag naging chair na ito ng G7.
Nagpasalamat din si Marcos sa matatag na suporta ng Canada sa rule of law, partikular sa Indo-Pacific at South China Sea.
Tiniyak naman ni Trudeau na kaisa sila sa pagsusulong ng regional security at safety, mula sa pangingisda hanggang sa usaping militar.
Nangako rin ito sa pagpapalakas pa ng ugnayan sa kalakalan at sa iba pang sektor, tungo sa pagpapalago ng ekonomiya.
Ang G7 ay binubuo ng pitong makapangyarihang bansa kabilang ang Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom, at Estados Unidos. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News